5 Sibilyan, biktima ng pasistang pang-aatake ng 83rd IBPA at PNP Provincial Mobile Force

2 mins read

Teresa Mangtanggol
Spokesperson
NPA-Catanduanes

Mariing kinukondena ng Bagong Hukbong Bayan-Catanduanes (Nerissa San Juan Command ) ang kasinungalingan , brutalidad at desperasyon ng mga elemento ng 83rd IBPA at Provincial Mobile Force ng PNP sa naganap na  pamamaril sa limang sibilyan sa Barangay Taupon, Bayan ng Panganiban Probinsya ng Catanduanes.

Walang engkwentro naganap sa pagitan ng yunit ng BHB sa ilalim ng Nerissa San Juan Command na ipinamamalita ng tagapagsalita ng  9th ID DPAO na si Major Ricky Anthony Aguilar.

Ang yunit ng  8rd IB  at Provincial Mobile Force ng PNP ang responsable sa naganap na karumaldumal na krimen.  Ang walang habas na pagpapaputok sa mga inosenteng sibilyan ay nagresulta  sa pagkakapaslang kina Christopher Abraham at Lito Aguilar at tatlo (3) pang biktimang sugatan na sina Jimmy Sierra, Joseph Torado at Jomarie Calderon na kapwa mga taga Barangay San Miguel, Panganiban Catanduanes.

Nangyari ang teroristang atake ng 83rd IBPA sa Barangay Taupon, bayan ng Panaganiban “Payo”, Catanduanes,  ganap na madaling araw ng Setyembre 22, 2019 habang nangingilaw ng isda sa ilog ang mga biktima para may idagdag sa handa nang ikakasal sana ngayong araw na si Christopher Abraham.

Ang desperadong hakbang ng AFP sa ilalim ng Task Force Bicolandia ang nagpapatunay na sila ang tunay na terorista sa mamamayan.  Naglalaway na mga aso ang 83rd IB sa accomplishment promotion at pabuya na ibibigay ng kanilang amo na si Duterte na siyang nag-uutos at tagapagudyok ng terorismo ng pamahalaan.

Dapat managot at pagbayarin ang mga elemento ng AFP partikular ang  83rd IB PA at PNP sa madugong listahan ng krimen nito sa mamamayan. Dapat managot at pagbayarin mismo si Duterte sa kanyang Krimen sa sambayanang Pilipino.

Nananawagan ang Nerissa San Juan Command sa mamamayang Catandungan at sa buong Sambayanang Pilipino na manindigan at ipagtanggol ang karapatan.  Labanan at tutulan ang  EO 70, MO32 at  ang sapilitang pagpatupad  ng  batas militar sa buong bansa.

Latest from News